As promised, nandito na ang Alamat ng Surigao na matagal kong hinalughog sa internet pero hindi ko naman nakita. I ended up asking my teacher na kung pwede ko bang i-photocopy ang kwento na nasa libro nya. I posted it here for reference purposes kasi wala talaga akong nakitang ganitong story sa net. ^^

***

ALAMAT NG SURIGAO

Sa malawak na karagatan ng Mindanao dalawang magpinsan ang inabot ng masamang panahon sa kanilang pamamalakaya, sina Ben at Leo.

“Paano insan isa lang itong katig natin napakalakas ng alon.” Ani Ben na nandidilat sa naglalakihang alon.

“Lakasan mo ang loob mo Ben,” giit ni Leo. “Basta pagbutihin natin ang pagsagwan. Huwag ka agad mawawalan ng pag-asa.”

“Hindi…. hindi kasi ako masyadong marunong lumangoy,” giit ni Ben, “kaya kinakabahan ako, isa pa napakadilim sa sobrang lakas ng ulan.”

Napadilat ang magpinsan sa malalaking alon na papalapit ng papalapit sa kanila.

“Pinsan nakikita mo ba ang nakikita ko?” usisa ni Ben.

“Oo.” ani Leo.

“Napakalaking alon,” ani Ben na putlang-putla, “palagay ko’y katapusan na natin,”

“Manalangin ka sa Maykapal,” ani Leo na namumutla na rin, “magdasal ka na, tayo’y maliligtas.”

Binilisan nga ng magpinsan ang pagsagwan hindi nila alintana ang bigat ng ulan sa kanilang katawan. Naisipang itapon nila ang kanilang isda sa dagat. Ang mga tubig na pumapasok sa kanilang bangka ay pinipilit na alisin ni Leo.

Hindi nila inaasahan ang pagbagsak ng napakalaking alon sa kanilang bangka, sumambulat silang magpinsan. Hindi nila nakita ang bangka sa lakas ng paghampas ng alon.

“Nasaan na ang bangka Ben?” ani Leo.

“Ewan ko,” ani Ben na kakampay-kampay sa paglangoy, “hindi ko alam, inanod na iyon.”

“Halika, kumapit ka sa akin,” ani Leo na inabot ang kamay, “hawak kang mabuti sa akin.”

Hindi naman nagtagal nawala na ang sama ng panahon, lumiwanag ang kalangitan at tanaw na nila Ben at Leo ang kanilang dalampasigan, nakita nila ang kanilang bangka na nakataob at napadpad na roon.

Kanila itong itinihaya dahil ito’y nakataob. Nagulat ang magpinsan nang makita nila ang napakalaking basket na may lamang bata sa loob. Ang lampin ng bata ay may nakasulat na letra na ‘RA’ na tila ibinurda. Tuwang-tuwa sina Ben nang makita ang bata, subalit binalaan siya ni Leo na itapon iyon dahil iyon ay demonyo.

“Akin ang batang ito,” giit ni Ben, “anghel ang batang ito at hindi demonyo.”

Biglang nakarinig ng tinig sa silahis ng araw na tila nagbukas. “Iyan ang aking anak, siya ang tagapagligtas ninyo.”

Nawala ang tinig sa itaas at muling nagtalo ang magpinsan. Pinilit ngang kunin ni Leo ang bata kay Ben, ngunit maagap si Ben at hindi inaasahang natapilok si Leo at bumundol ang ulo niya sa bato. Dahil sa pagkawala ng malay ni Leo, nakita na lamang niya si Ben na nakasakay na sa bangka at kasama pa ang sanggol.

Sa pagkakataong iyon ay biglang sumama ang panahon, nakita ni Leo na kinain ang kanyang pinsan ng napakalaking alon at hindi na ito nakita ng kanyang paningin.

“Sori gaw.” ani Leo sa kanyang pinsan. Sapagkat ang ibig sabihin sa Bisaya ng salitang gaw ay pinsan. Magmula noong lumutang ang pulo sa lugar na kinalubugan ni Ben, tinawag na itong Surigao, dahil ang pinsan ni Leo na si Ben ay nawala doon.

-THE END-

***

Bakit kaya madalas ganoon ang lamat ng mga lugar, ano? May mamamatay tapos may tutubo na pulo. Haha. Bakit ba hindi ako tinatantanan ng pangalan na BEN?!

Well, I hope nakatulong ako sa paghahanap ninyo ng Alamat ng Surigao. Kung kokopyahin mo lagyan mo ng reference dahil illegal kapag hindi mo nilagyan iyon! Haha!

OH TEKA LANG! Wag ka munang umalis. Pasyal ka muna sa blog ko. :P

About these ads